Katatapos lang ng Miss Universe 2012 kahapon. Pagbukas ko ng yahoo.ph webpage, ang balitang 1st runner up ang Pinas ang bumungad sa akin. Mahilig talaga ang mga Pinoy sa beauty pageants.

Dalawang linggo na yata ang nakaraan noong naglagay ako sa facebook ng Orpheus tungkol sa pageant na pinuntahan ko sa Treviso. Naimbitahan akong maging isa sa mga hurado para sa Best in Talent at Ms. Photogenic ng Miss Philippines Veneto 2012. Naaliw nga ako dahil kapangalan ng isang Orpheus member (ahem, Jonnabelle, ahem) ang isa sa mga contestants. At pareho rin silang galing sa Padova.

Jonnabelle from Padova

Jonnabelle from Padova

Siyempre hindi mabubuo ang Pinoy pageant nang walang mga intriga. Hindi pa man din nagsisimula ang programa, sinabihan ako ng president ng OFW org ng Veneto region na lagyan ko raw ng palatandaan ang score sheet nung isa pang Pinoy judge (judge 1). Hindi raw kasi isasama ang scores na galing sa kanya. May mga nagrereklamo raw kasing mga magulang dahil nakasama na raw sa intriga itong si judge 1 sa nakaraang version ng pageant.

Okay, so natuloy ang pageant at naki-judge pa rin ang kontrobersyal na si judge 1. Pinadalhan ko na lang ng email yung presidente ng OFW Veneto region na sigurado kami nung isang Italyanang judge sa mga napili namin. Pero kung ipipilit nilang tanggalin ang scores mula kay judge 1, baka mausog ang mga marka. Tinawagan ako ng presidente at sinabi niyang meron palang mas malaking isyu. Pinoy nga naman.

Marami raw mga nagrereklamong mga magulang dahil sa mga litratong lumabas para sa Ms. Photogenic. May mga litrato raw silang pinadalang hindi naman ipinakita. Wala raw yung close-up nung anak nila…Kanya-kanya pala sila ng kuha ng litrato at ipinadala na lang nila sa organizers. Grabe, akala mo naman ilang libong euro ang nakataya. Sinabi ko na lang sa OFW president na pinaninindigan ko yung naging desisyon dahil talaga namang maganda sa litrato yung napili namin. Kahit lalong naging kontrobersyal si judge 1 (dahil pareho silang galing ng Venezia nung napili naming Ms. Photogenic), tama yung pagpili namin. Bago nga nito, hindi ako naniniwalang meron palang taong mas maganda sa litrato. Meron pala.

Naimbitahan ulit akong maging judge sa finals round ng pageant pero tinanggihan ko. Ang gulo ng organizers. Kaya lang naman ako pumayag dahil humingi ng pabor sa akin yung “pamilya” ko rito. Bago pa lang kasi yung OFW org dito sa Trento at sinusubukan nilang mapasama sa community ng Veneto region. May mga benepisyo raw kapag accredited ng Philippine COnsulate ang samahan kaya nagpapatulong ang Trento community sa Veneto. Hindi pa naman ako official member ng Trento community. Sobrang laki ng tulong sa akin ng pamilya ko rito (hindi lang dahil sa mga libreng tanghalia’t hapunan) kaya naman hindi ako makatanggi sa kanila.

Nakaaaliw isiping saan man mapunta ang Pinoy at gaano man sila katagal hindi makabalik sa Pinas, mayroong mga bagay na hindi magbabago. Isa na nga rito ang pagkahilig sa mga paligsahan, pagandahan man, palakasan o pagalingan ng talento. Kadalasan sa mga ganitong pagkakataon naipapakita ng mga Pinoy ang pagiging makabayan. Siyempre, hindi rin mawawala ang intriga. Hindi ako super fan ng Miss Universe kaya hindi naman ako nagtatatalon sa tuwa tulad ng magkakaibigang ito dalawang taon na ang nakararaan:

Gayumpaman, Pinay na Pinay naman talaga ang naging pambato natin sa nakaraang Miss Universe at sa mga napanood kong video clips niya sa youtube, masaya naman ako sa naging resulta. Kung isa sa paraan ng pagpapakita ng pagmamahal sa bayan ang pagsuporta sa ating pambato sa Miss Universe, makikisali ako sa mga “proud pageant-savvy Pinoys all over the world” sa pagsasabing: We are proud of you, Janine! Pinoy pridešŸ˜€

Ms. Philippines!

Ms. Philippines!

Ā