Kilala ng bagong Ugandan roommate ko sina Yna Macaspac (Kristine Hermosa) at Angelo Buenavista (Jericho Rosales). Kagabi, napagkwentuhan naming napanood niya sa Uganda ang Pangako Sa’yo (The Promise). Nagulat ako, hindi ko akalaing makakarating sa kanila ang mga palabas sa atin. Alam kong napalabas sa Southeast Asia ang Pangako Sa’yo (pati rin yata saa China) pero hindi ko naisip na makakarating iyon sa Africa. Dubbed in Ugandan daw yung kanila kaya maraming nanonood sa kanila. Ang alam nga raw nila nagkatuluyan sa totoong buhay sina Echo at Kristine. Hahaha.

Pinakagusto raw niya si…Madam Claudia (Jean Garcia). Magaling naman talaga si Jean Garcia (pero mas gusto ko pa rin si Princess Punzalan sa Mula sa Puso). At tulad ng mga Pinoy na ipinangalan kay Thalia (Marimar, Rosalinda, etc) ang mga anak na babae sa kasagsagan ng Mexicanovela fever sa atin, marami rin sa kanila ang “Angelo” ang ipinangalan sa anak dahil sa Pangako Sa’yo. Aliw, ‘di ba?

Siyempre alam din niyang may sumunod na series sina Echo at Tin – Sana’y Wala Nang Wakas (Timeless) – kung saan sina Christian at Ara naman ang bida.

Alam din niya ang Tayong Dalawa (The Two of Us) nina Audrey (Kima Chu), JR (Gerald Anderson) at Dave (Jake Cuenca). At naalala niyang nasa parehong Pangako Sa’yo at Tayong Dalawa si…Jodi Sta. Maria. Napansin din niyang kadalasang nanay ng bida si…Cherry Pie Picache.

Sabi niya nang malapit nang magtapos ang usapan namin, nakita na raw niya kahit paano ang Pilipinas at ang Maynila dahil sa mga teleserye natin. Sagot ko naman, hindi ko pa nakita ang Uganda dahil wala tayong napapanood na palabas mula sa kanila (hindi ko na sinabing malamang hindi bebenta sa atin ang Ugandan tv series…bilang pinahahalagahan sa showbiz industry natin ang mga may mapuputing kutis).

Bukod sa mga teleserye, kilala rin niya ang kantang Pyramid ni Charice (kanina lang niya nalaman kung sino si Charice) dahil paulit-ulit daw ang kantang iyon sa Uganda.

Aliw isiping hindi lang American tv series at 90’s-2000’s music ang pwede naming pag-usapan. Sa sobrang pagkaaliw ko, napasulat ako nito kahit hindi ko naman balak isiwalat na…minsan pinoy teleserye fan din ako. Sa susunod, tatanungin ko siya kung kilala niya si…John Lloyd. hahahaha.