Image

Kanto ng Casa di Riposo

28 October 2011, Biyernes, tanghali. Naglalakad ako pauwi galing faculty – bus strike kasi. Pagliko ko sa isang kanto, may narinig akong nagsasalita sa cellphone. Tagalog. Tumigil talaga ako para hintaying magkasalubong kami.

“Hello po,” sabi ko.

Tumingin siya sa akin.”Pinay ka?”, tanong niya. Naisip ko, nag-hello po na nga eh. Tinapos niya ang pakikipag-usap sa cellphone at nagpakilala kami sa isa’t-isa.

Iyon and unang araw ng pagkakakilala namin ni Tita Debbie. Naglalakad siya papunta sa isang amo, relyebo sa isang kakilala. Nagkataon namang walang bus kaya naglakad ako. Pagkakataon naman, saktong isang buwan ang nakalipas mula nang umalis ako papuntang Italia.

Sa araw na iyon nagsimula ang pagkakaroon ko ng pangalawang pamilya rito. Naka-isang buwan din bago ako nakakita ng ibang Pilipino. Isang pamilya pala sila rito, galing Batangas. 14 taon nang nasa Italia si Tita. Ang asawa niyang si Tito Max, 19 taon nang dito nagtatrabaho. Sa umpisa, nakakailang silang kasama. Paano naman, lahat sila nagtatrabaho bilang katulong kahit college graduate sila sa atin (Commerce ang tinapos ni tita, samantalang Engineering naman ang kay tito). Nakakailang sabihing nandito ako para mag-aral, lalo na kapag nagkatanungan na tungkol sa pera. Pero pamilyang Pinoy talaga.

Aliw silang pakinggang pagkwento dahil ang lalim ng Tagalog nila. Batangueno talaga. Halimbawa, sa halip na “suot”, “gayak” ang gamit nilang salita. Marami sa mga salita nila, sa mga aklat ko lang nakikita (aklat talaga, hindi libro).

Ilang kwentong pang-“Maalaala Mo Kaya” na rin ang narinig ko sa kanila. Tipong sa kabila ng pagtitiis nila rito, nagkalat ang mga anak kaya’t napatigil sa pag-aaral – nabuntis nang hindi inaasahan. Nangyayari palang talaga sa totoong buhay ang mga Classic OFW stories.

Ipinakilala nila ako sa samahan ng mga Pinoy sa Trentino-Alto Adige. Marami pala sila (tayo) rito. Mayroong mga lampas sampung taon nang dito nagtatrabaho. Iyong iba, buong pamilya na ang naririto.
Kung anu-ano na rin ang mga natutunan ko kasama sina Tita Debbie:

1. nalaman kong balatong pala ang tawag nila sa ginisang monggo;
2. pwedeng gamitin sa balatong at tinola ang arugula;
2. natuto akong gumawa ng cassava cake at embutido;
3. mahilig talaga ang Pinoy sa videoke at dance numbers kapag christmas / birthday party;
4. kahit matagal na sila rito, mas gusto pa rin nila ang matamis na spaghetti at ala-chicken joy na fried chicken.

Halos tuwing linggo tinatawagan nila ako para makisalo sa kanila sa tanghalian. Minsan naman, kapag nakikita nila ako sa bus stop, niyayakag nila akong umakyat sa bahay nila para maghapunan. Noong nakaraang winter, binigyan pa nila ako ng isang paperbag ng mga scarves at jacket. Natuwa naman ako nang sobra, siyempre. Kung alam lang nila na pina-DHL ng pamilya ko papunta rito ang mga winter clothes na hindi ko nadala (haha).

Hangga’t kaya ko’t may oras, sinusubukan ko rin namang magbalik sa kanila. Ilang dance numbers na rin naman ang nabuo ko para sa kanila (mahilig silang sumayaw tuwing may party). Nakikitulong namana ako sa pagluluto tuwing may magaganap na “Barrio Fiesta” kasama ang Filipino Community. At nakagawa na rin naman ako ng leche flan para sa kanila. Alam at tanggap ko namang mas maalam sila sa kusina kaysa sakin.

Swerte talaga ako sa kanila. Pangalawang pamilya na nga. At dahil halos ampunin na nila ako, paninindigan ko na. Alam kong may isang taon pa, pero ngayon pa lang imbitado na sila sa graduation ko.

Noche Buena w/ Alcazar Family