Hindi ko alam kung nararapat akong magbigay ng opinyon hinggil sa nakaraang SONA. Noon pa man, wala akong pakialam sa pulitika. Hindi ako rehistradong botante at kahit kailan hindi ko naisip magparehistro. Napilitan lang ako noong nakaraang buwan, noong pumunta ako sa ating konsulado sa Milan para mag-renew ng passport – pinapirma ako ng absentee voter’s form (at least Trento ang address ko). Pero dahil ako lang yata ang nanood ng livestream, sige, ito na ang “reaction paper”.

Malawak at kumpleto ang mga puntong pinagtuonan ng pansin sa nakaraang talumpati (bagama’t sa chatbox noong livestream, maraming mga OFW ang naghihintay na mabanggit sila – isang pangungusap lang yata ang nasabi tungkol sa kanila). Gaya nga ng nasabi ko sa itaas, hindi ako nakikialam sa estado ng Pilipinas dati kaya hindi ako makatiyak kung talagang malaki ang iniunlad natin mula nang umupo sa puwesto si Noynoy. Batay sa mga sinabi niya at sa mga nabasa ko nitong mga nakaraang buwan, mukha namang bumubuti nga ang ating lagay. Sana nga magtuluy-tuloy na.

Kung mayroon man akong pinaka-nagustuhan sa kanyang talumpati, iyon ang bahaging ‘responsible parenthood’. Totoo namang sandamukal tayo sa Pilipinas. Kung hindi pagpaplanuhan nang maigi ng isang pamilya ang dami ng kanilang mga anak, kahit kailan hindi matutugunan ang mga kakulangan sa edukasyon, kalusugan at trabaho. Ngayon, binabatikos na naman ito ng simbahan.

Gusto ko rin ang bahaging pag-ayos sa transportation system. Sa sampung buwan ko rito, makailang ulit ko nang naisip na gusto kong libutin ang Pilipinas pagbalik ko (hal. gusto kong subukan ang PNR papuntang Bicol). Mas magiging madaling maabot ang ninanais na 10M turista kung maaayos ang mga kalsada at palapagan. Wala nga lang nabanggit hinggil sa NAIA1.

Tungkol sa pambansang tanggulan, matagal na nating alam na mahina ang ating sandatahang lakas. Sabi nga ng guro ko sa Kasaysayang Kanluranin (para sa mga Atenista, si Sir Tirol ito, Hi18), gugulatin natin ang mga kalaban gamit ang ating “amazing CAT/ROTC marching skills”. Oo, maraming bibilihing “bagong-lumang” mga armas, sasakyang pandagat at panghimpapawid. Kulang pa rin subalit mabuti nang meron kaysa wala. Sana lang sinisiguradong wasto ang paggamit ng pera.

Para naman sa kapulisyahan, hindi lang mga bagong baril ang higit na kailangan. Nakita ng buong mundo ang malaking kahihiyang dulot ng bus hostage noong nakaraang tatlong (?) taon. Sana mayroon ding
programang inihanda para hindi na maulit pa ang ganito.

Naaaliw ako sa Project NOAH. Mas makabubuti kung alam ng lahat ang tungkol dito at kung paano ito gamitin, lalo na ng mga opisyal lokal na pamahalaan. Hindi man natin maasahang alam ng lahat ng Pilipino kung paano gamitin ang mga impormasyong ibinibigay ng nasabing proyekto, sana umabot sa nibel ng kapitan ng baranggay ang tungkol dito. Lokal na pamahalaan pa rin naman ang magiging punong abala pagdating ng mga sakuna.

Sa usaping pang-agrikultura, matagal na tayong napag-iiwanan ng mga kapitbahay natin sa Timog-Silangang Asya. Ang mga mangga at gatang nakikita ko rito sa Trento, galing Thailand. Pati dahon ng
saging, galing ding Thailand. Sa IRRI nagsanay ang mga kapitbahay natin sa Asya pero ngayon sa kanila tayo nag-aangkat ng bigas. Agrikultura naman ang pangunahing ekonomiya ng Pilipinas kaya nararapat lang na pagtuonan ito ng pansin.

Marahil dahil malayo ako sa atin kaya nakikialam ako sa Pilipinas ngayon. Maaari ring dahil lang nagtatrabaho ang kapatid ko sa comm dev office ng Malacanang (proud ate moment: sila gumawa ng slide presentation ng SONA :D). Anuman ang dahilan, ang mahalaga may pakialam na ako ngayon. Hindi lang mga magagarang damit ang inabangan ko (oo, maganda ang barong ni Noynoy, napaka-Cory/Noynoy, baka si Kris ang pumili). Pinakinggan ko talaga. Lahat naman yata nagbubuhat ng sariling bangko kapag SONA. Pero kahit wala akong alam sa mga nakaraang bersyon nito, masasabi kong masaya ako sa mga sinabi niya ngayong taon.

Para sa mga hindi nakapanood/walang oras basahin ang transcript, ito ang balangkas ng SONA 2012:

1. Pangkalusugan
– Libreng pagpapagamot para sa mga pinakamahihirap na PhilHealth members na may malalang karamdaman (hal. dengue, pneumonia, kanser…), gamit ang No Billing Policy ng DOH.
– Mas maraming Health Care Professionals ang ipadadala sa mga lugar na nangangailangan sa kanila
– bumaba nang 97% ang kaso ng dengue dahil sa DOST-DOH mosquito trap project.

2. Edukasyon
– 1:1 student-textbook ratio
– Wala nang kakulangan sa mga silid-aralan at upuan bago matapos ang 2012
– RESPONSIBLE PARENTHOOD para hindi na magkaroon ng backlog sa mga aklat at gamit pampaaralan
– 41.63% pagtaas ng budget ng SUC’s

3. Trabaho
– 6.9% na lang ang unemployment rate
– 638,000 katao ang nagtatrabaho sa BPO’s at 11B dolyar ang perang ipinasok nito sa ating ekonomiya

4. Transportasyon
– Maraming mga idadagdag na palipagan bago matapos aang kanyang termino: New Bohol Airport (Panglao), New Legaspi Airport (Daraga), Laguindingan Airport (Misamis Oriental)
– Inaayos din ang mga palipagan sa Mactan, Puerto Princesa, Tacloban, Butuan, Cotabato, Dipolog, Pagadian, Tawi-Tawi, Southern Leyte at San Vicente (Palawan)
– Bago ang susunod na SONA, maaayos na ang problemang pang-instruktura ng NAIA3
– Sinimulan na ang LRT1 Cavite Extension project. Layunin nito ang paluwagin ang trapik sa Las Pinas, Paranaque at Cavite
– Magkakaroon ng dalawang elevated NLEX-SlEX connector (matatapos sa 2015). Magiging 1h40m na lang mula Clark hanggang Calamba kapag natapos ito.
– Bago matapos ang kanyang termino, nakatayo na ang mga dekalidad na terminal sa Taguig at Paranaque para sa mga bus pamprobinsya

5. Turismo
– Tinatayang 4.6M turista ang darating sa Pilipinas ngayong taon. Mas mataas ng 1.5M sa mga dumating noong 2010.
– Inaasam na 10M turista ang bibisita sa Pilipinas pagdating ng 2016.

6. Pang-agrikultura
– Naglaan ng mas malaking pondo upang lalo pang pagyamanin ang coco industry. 16.7M litro ng coco water ang iniluwas ngayong taon samantalang 484,000 litro lang noong 2009.
– Bago siya bumaba sa puwesto, naipamigay na lahat ng lupang sakop ng CARP

7. Tanggulan (lokal at pambansa)
– Bumaba nang kalahati ang krimen sa taong 2011 (500k-250k)
– Magkakaroon ng karagdagang 74,600 na mga dekalidad na baril ang pulisya.
– Naglaan ng 28B piso para sa AFP Modernization Program
– Nagbigay ang US ng 30B USD para sa Defense capability Upgrade and Sustainment of Equipment Program ng AFP
– Pagdating ng Enero, may karelyebo na ang BRP Gregorio del Pilar (isa pang Hamilton Class Cutter)
– Marami ring maidaragdag na mga helicopter at armas para sa hukbong panghimpapawid
– Ginagawa ang lahat upang makahanap ng solusyon sa problema sa West Philippine Sea

8. Kapayapaang Pambansa
– Marami nang mga rebeldeng sumuko
– Maraming mga proyektong panlipunan (pabahay, tulay, learning centers) ang ibinibigay sa Basilan
– Naglaan ng 8.59B Piso para sa mga reporma sa ARMM

9. Disaster Risk Management
– Sa ilalim ng bagong Project NOAH, mabibigyan na ng wastong babala ang mga tao upang makapaghanda

10. Pangkalikasan
– 129K hectares ng lupain ang nataniman ng puno
– May mga pribadong sektor na kaakibat sa pagtatanim at pagpapalago ng mga punong namumunga tulad ng kape (nakatutulong na sa pagpigil sa baha, may ani pa’t “sure-buyer” ng ani)
– Ang mga nakumpiskang kahoy ng DENR dahil sa illegal logging, gagawing mga upuang pampaaralan ng mga karpintero ng TESDA

11. Nagtatrabaho sa Gobyerno
– Performance-based incentives

12. Mayroon pang huling punto hinggil sa nakaraang
Supreme Court Trials. Unti-unti natatanggal din ang mga tiwaling opisyal kahit na mataas ang kanilan puwesto.

para sa mga gustong basahin ang SONA2012 transcript:

http://www.gov.ph/sona-2012/